Echoing Back

in between rediscovering and finding a new path

Ang Talinghaga ng Panonood sa Umaagos na Tubig

February 21st, 2007 · No Comments
Weblogs

Originally posted on my Multiply Blog

Ano? Nakatitig ka na naman sa ilog.

Lagi na lang tuwing mapadadaan ka sa ganyan, titigil ka at mamangha na lang.

Sabagay, ilang beses lang naman ‘yon. Dalawa? Tatlo? Hindi na mahalaga di ba? Basta ang alam mo, kailanman, hindi mo ‘yon pinapalagpas at sinisiguro mong naiguguhit mo sila sa’yong alaala.

Pero hanggang ganun lang. Uupo ka sa tabi nito. Pakikinggan ang agos ng tubig, pipiliting masalo ang pagtalsik nito habang humahampas sa mga bato. Dadamahin ang lamig at ginhawang dala nito. Pagkatapos muli lalayo ka nang kaunti. At buong araw mong titignan ang bawat pagliko ng tubig, ang mga bato sa malinaw at mababaw na bahagi nito at ang dilim ng kalalaliman ng malayo nitong bahagi.

Bihira kang lumusong. Ang totoo, yung todong-lusong na may pagsisid, minsan pa lang. Tatlong buwan kang lumangoy, pagkatapos umahon ka rin.

Mas sanay ka kasing nanonood. Mas sanay ka kasing nasa tabi. Kung dadampiin mo man ang ilog, madalas kamay o paa lang na isinawsaw sa tubig. At dahil lang yon sa hiling ng ilog. Dahil binulong nito na makipaglaro ka kahit kaunti. O kaya’y dahil hiniling nito na alisin mo ang kahoy na humaharang sa dumadaloy nitong tubig. Dahil pag humiling na ang ilog, hindi ka nakakahindi.

Nakangiti ka na naman. Tuwing hahampas ang tubig sa tabing-ilog, ganyan ka. Pero siyempre alam mong natural lang ‘yan. Hahampas at hahampas ‘yan, kahit wala ka diyan.

Natutuwa ka sa bata. Malayang lumalangoy dito. Kaya ka ba hindi lumulusong? Kung sabagay hindi rin. Sa mga nakaraang ilog naman, talagang nakatingin ka lang. Kahit walang ibang nilalang na nakikipaglaro sa tubigan.

Hanggang kelan ka titingin? Hanggang kelan ka mamangha? Mahirap maintindihan na ganyan ka lang. Tumatagal ka sa panonood sa pag-agos ng ilog. Maghapon, magdamag, nagbabantay dito.

Sabagay, nabanggit mo na ‘yan dati. Kung nagbabantay ka man, hindi mo ‘yon ginagawa para sa ilog. Ginagawa mo ‘yon para sa’yong sarili. Kung sundin mo man ang hiling ng ilog na magtampisaw ka sa kanyang tubig, hindi iyon dahil sa sinusunod mo siya. Kundi dahil masaya kang maipaalam sa ilog na mahalaga siya at nakakapagpasaya siya. Kung lusungin mo ito para kunin ang nakaharang na kahoy, hindi mo ‘yon ginagawa lang dahil sa mahal mo ang ilog. Ginagawa mo ‘yon dahil masaya ka ring nakikita ang malaya niyang pag-agos.

Sa huli, ginagawa mo ‘yan para sa’yong sarili. Kaya nga binubulong mo sa ilog na wala siyang dapat ipag-alala. Ang hiling mo lang, sana di siya mailang kung maupo ka sa tabi niya, na pabayaan ka lang sana na panoorin siya.

At bagamat minsan, naiisip mo ring uminom sa kanyang tubig, pinili mo na lang na hindi. Nang sa gayon, buong-buo siyang makarating sa tahaking pinili niya, sa karagatan na naghihintay sa kanya.

Hayaan mo, minsan bubuhos sa’yo ang ulan. Maaring ito rin yung ilog na iyo ngayong pinagmamasdan. O maari ring tubig ng ibang ilog na hindi mo pa napuntahan.

Sa ngayon, titigan mo lang ang ilog. Kung bagalan niya ang pag-agos at hindi agad lumayo at payagan ka niyang mamangha sa kanyang kagandahan, magpasalamat ka. Pero huwag kang umasang bubulong siya. Hindi mo kailangang lumusong, mahirap na. Baka di mo kayanin. Baka hindi niya pahintulutan. Baka malunod ka.



0 responses so far ↓

  • There are no comments yet...Kick things off by filling out the form below.

Leave a Comment